
Ako’y isang pinoy… sa puso’t diwa...Saglit, kanta nga pala ‘yon. Ulit.
Ako’y isang pinoy at marami akong kaibigan. Bahagi na sila ng araw-araw kong buhay. Lagi silang nand’yan, lagi silang kasa kasama. Kaya naman hindi na halos mabilang ang mga katawagan ko sa kanila. May pare, may mare, kuya, ate at kapatid. Para talagang kapamilya. May tsong, may ‘tol at may kasangga. Dabarkads o barkada, tropa o kakosa. Andami pa kaya. Pagsama samahin man ang mga ito ay isa lang ang kahulugan nila: isang kaibigan na karamay sa tuwina. Hanep! Masyado na bang OA (over acting)? Kung ang dating ay poetic o kaya ay trying hard na, sige pa rin. Okay lang kasi kung kaibigan ka ay maiintindihan mo at pagbibigyan mo ang aking drama.
Since nandito na rin lang ay ituloy ko na ang gusto kong puntuhin…
Sa paglipas ng panahon ay maraming nagbago pero ang mga kaibigan ko ay parati sa tabi ko. Kasama sa tomaan, kasama sa gimikan, kasama sa iyakan, hindi pahuhuli kapag may handaan at kasiyahan. Naging kabahagi na sila ng mga bawat yugto ng aking buhay. Truly, I can say, my friends have weathered the tests of time. Iba talaga ang may pinagsamahan… sa commercial naman yun, ano? Ulit. Iba talaga ang may tunay na kaibigang maituturing.
Ayaw ko ng magpaligoy ligoy. In short, ang mga pinoy PALAKAIBIGAN, puedeng manalo ng Mr. and Ms. Friendship dahil marunong makibagay at sumayaw sa kahit anong tugtog. Walang masamang tinapay. Hindi kuntento sa ngiti lang, basta may masabi lang pagnakita mo ay mangungumusta pa. Kahit sabihin mong obvious na nakasimangot o parang binagsakan ng mundo ang makasalubong ay magiliw pang magtatanong na, “Kumusta ka?” But I’m telling you it is a very kind gesture among Filipinos. Para ngang kasalanan kapag ‘di ka bumati sa mga kakilala, katrabaho o nakakatanda kesehodang wala ka sa mood. Masasabi ngang isa na siyang proper decorum. Isa na rin s’yang survival factor maging sa trabaho. Ang secret sa staying power: dapat friendly ka!
At dahil nga ganito tayong mga pinoy, andami ng mga salitang nagamit na patungkol sa kaibigan. Hindi mo ba napansin na sa ating wikang pinoy (standard man o colloquial) yata may pinakamaraming salita na ibig sabihin ay KAIBIGAN. Let me recall and expound. Sige simulan na natin ang head pounding task na ito.
Isa… dalawa… tatlo…mga kaibigan ko. Sari saring katawagan sa mga friendship ko:
‘TOL
Short cut ito ng kaputol (kaputol ng pusod o buhay?). Actually parang kapatid. Malalim kung ganun ang pinagsamahan kapag ito ang tawag mo sa kaibigan mo. Pero dahil sa nauso nga kaya kahit naman wala pang tatlong oras nakilala ay ‘tol na ang tawag. Pinoy nga, hindi ba?
KOSA
Ang alam ko sa militar unang nauso itong tawagan na ito. I should know. ‘Yong kuya ko na pulis ay naririnig ko na ‘kosa’ ang tawagan nilang magkakabarkada. Kapag magkakosa kayo ay magkaibigan kayo. Magkasama… sa dusa at saya. Matindi ano? Matatalo pa ‘ata ang mag-asawa. Pinoy talaga.
KATROPA
Mula pa noong mid-90s naririnig ko na ito. Ito ay tawag sa mga laging kasama… Kasama sa kasiyahan, kasama sa laklakan at gimik at ‘pag napaaway lagot ka! Bubuwelta ang buong tropa. Hindi ako magtataka kung biglang mauso ang tawag na katribu. Sige ipauso n’yo at tiyak walang kokontra. Pure Pinoy lingo nga kasi.
KABARKADA
Bago nauso ang katropa, syempre mas orig ang salitang kabarkada. Grupo ng mga solid na magkakaibigan. Walang iwanan, peksman. Sa party… sa school… sa sinehan walang sinabi ang mga Siamese twins, langkay langkay kapag dumaan sa kalsada. After that nag evolve ang word na ito sa DABARKADS. Sabi nila si Francis Magalona ang nagpauso nito sa Eat Bulaga pero kahit bali baliktarin, walang nagbago, grupo ng magkakaibigang pinoy pa rin ang suma.
PARE… ERAP
Ang pinaka orig na katawagan na yata ang ‘pare’ o ‘kumpare’. Syempre ‘mare’ o ‘kumare’ kapag babae. Ito ay naging erap na pinauso ng kumpare ng bayan, Joseph Estrada, na naging presidente na natanggal sa puesto dahil na rin sa kanyang kumpa.. kumpare. Nakakatawa pero totoo. Kasaysayan ang nagsasabi, the rise and fall of a great politician is his being friendly. Going back, kasabay ng erap, naging P'RE, REPAPIPS at PAREKOY ito sa ilan at siguro namodify pa ito sa ibang katawagan. By the way, just so you know, nagiging kumpare mo ang isang tao kapag ikaw ay ninong (mare kung ninang) ka ng anak ng malapit na kaibigan mo. However, in contemporary times ay kahit tambay sa kanto sa baranggay ninyo, puede mo na rin tawaging kumpare. How friendly naman…
KAPATID… KAFATID?
Kung close ka sa tao at alam mo ang ugali n’ya, ukmang ukma ang tawag na kapatid. Mas general term nga ito kasi bago ito mauso ay KUYA at ATE ang tawagan sa kahit kanino. As in kahit kanino, maging magtitinda ng taho, sasabihin mo, “Kuya, kumusta ang benta?” Tunay na magandang pakinggan kasi ang buong bansa, isang pamilya. But this terminology was modified to fit the gay community. Hala, mga KAFATID sa pananampalataya, iladlad at ipromote ang friendly Philippines sa mga utaw sa buong planeta.
KASANGGA
Heto ang astig. Machong macho. Mga kaibigan na puede mong takbuhan at lapitan kapag nagigipit ka. Sa gulpihan hindi ka pababayaan. 'Pag nagsumbong ka ay alam mong magkakaroon ka ng tibay ng loob. Sana nga lang dumami ang mga kasangga natin kontra sa mga ibang kaibigan natin na mahilig manlaglag sa ere ( Kung kaibigan nga ba talaga ang tulad nila.) Sabi ko nga, iba iba ang mga pinoy, agree ka?
Sa totoo lang andami pa pumapasok sa memorya ko. Parang hindi pamblog ang topic na ito. Siguro panglibro, ano? In brief, let me list down other kaibigan terms:
KATSOKARAN – Ito yata ang kaibigan na kasundo o kaya ay katsismisan. Kumbaga may bonding at swak lagi sa lakaran.
‘TSONG – SI Joey Marquez ang nagpalaganap nito. Ok s’yang itawag sa mga kaibigan natin na nagkakasiyahan o nagbibiruan basta wala lang pikunan.
‘IGAN – Pinaiksing kaibigan. Sa pagkaalam ko ay si Arnold Clavio ang nagpauso nito sa kanyang shows sa GMA 7. Ganun siguro talaga, para lang maiba, babaligtarin ang mga salita o kaya ay papaikliin.
‘BRO – Short cut ito ng brother. Walang duda si Piolo Pascual ang nagpasikat nito at dahil na rin sa intriga na kinasasangkutan n’ya naging bukambibig ito ng mga kafatid na pamhinta. Teka, hindi ba nagamit na ‘yan ni Roderick Paulate sa mga gay roles n’ya?
FRIENDSHIP – Si Ai ai delas Alas o si Ruffa Mae Quinto ang nagpakalat nito nationawide? Ang ibig sabihin, wala lang, English version ng kaibigan?
Ano pa? Ano pa ba? The long list goes on but the point is clear: Ang isang salita na maraming katawagan sa isang lugar ang ibig sabihin nito ay very evident ito sa isang kultura. Language is very dynamic and a terminology will continue to evolve as long as people use them in their daily conversations. Kaya nga maraming tawag sa ‘bigas’ sa Pilipinas dahil sa ito ang staple food natin at lagi nating nagagamit. Sige nga magtanong ka sa isang Italyano kung lalampas sa tatlong salita na ang meaning ay ‘bigas’? Bread pa, siguro.
In conclusion, ang salitang kaibigan will continue to evolve whether we like it or not, pusta? Kaya simulan nating magpauso. Puede kaya ang BOBU? bakit hindi? Short cut ng bosom buddy. Kaya kayo d’yan mga BOBU, dapat cool lang lagi! Nakakatawa man o isa ng insulto, sa ating mga Pilipino, kasiyahan lang walang personalan.
Time will tell kung may mapapadagdag pa sa sandamamak na katawagan sa kaibigan subalit kung ano at ano pa man, sa lahat ng aking mga naging kaibigan masasabi ko na ang PILIPINO ay tunay na tapat sa pinagsamahan. Umulan man o umaraw basta may pagkukuwentuhan… ang magkakaibigang pinoy ay nasa tabi tabi lang.
PAHABOL: Sa mga alam mong KAIBIGAN terms na hindi sumagi sa aking isipan, ishare mo naman…